Binigyang diin ng ilang mga senador na kailangang matuloy ang impeachment court, sa kabila ng naging desisyon ng Korte Suprema na ‘unconstitutional’ ang inihaing Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

“Whether the Supreme Court made that decision or not, the impeachment court will proceed. We’ll proceed,” saad ni Sen. Joel Villanueva.

Inihayag naman ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III na sinabi umano sa kanya ng isang ‘legal luminary’ na maaaring hindi pansinin ng Senate impeachment court ang desisyon ng Korte Suprema, ngunit aaralin niya pa umano ito.

Binigyang-pansin niya rin na tila may “complete climate change” sa Korte Suprema at sinabing: “There was a time when the Court did not touch a political question.”

Samantala, nagpahayag din ng mga sentimyento sina Senators Kiko Pangilinan at Bam Aquino at sinabing dapat magpatuloy pa rin ang impeachment trial, at nanawagan na mag-caucus ang Senado upang mapag-usapan ang desisyon ng Korte.

“Naniniwala ako na dapat matuloy ang impeachment trial. ‘Yung mandato, tungkulin at kapangyarihan na nakasaad sa Saligang Batas ay nasa Senado,” giit ni Aquino nitong Biyernes, Hulyo 25.

“Pardon my language… ‘pinosasan’ ng Korte Suprema ang HoR at ang Senado. Pinigil ang aming trabaho at mandato sa usapin ng public accountability… Hindi ito tama,” saad naman ni Pangilinan sa kanyang X (dating Twitter) post sa parehong araw.

Ulat ni Jilliane Libunao