Naniniwala si Sen. Francis “Chiz” Escudero na ang P142.7 bilyong ‘insertions’ niya diumano sa 2025 national budget noong siya ay lider ng Senado ay ingay lamang sa politika dahil nalalapit na ang halalan para sa bagong lider ng Senado.
“It’s simply an accusation associated with the current political climate. ‘Yung ingay sa politika, ika nga. Dahil na rin magkakaroon nga ng eleksyon at halalan sa Senate President,” saad ni Escudero.
Aniya, hindi lamang umano sa Senado ang naturang isyu sa pondo para sa flood control projects dahil mas marami umanong alokasyon ang Kamara para sa imprastraktura.
“Mas maraming tiyak ko ang mga panukala ng Kamara kaugnay sa infrastructure na nakita na natin sa mga nagdaang panahon. At ‘yan nga ‘yung naging isyu. Nakakatawa nga, na pilit nilang pinapasa sa amin at sa Senado ang bagay na ‘yan,” giit ni Escudero.
Samantala, makikita sa kumalat na dokumento kaugnay sa naturang ‘insertions’ ng senador na nakatanggap ng P12 bilyong pondo ang Bulacan, na balwarte ni Sen. Joel Villanueva, kasama ang Davao, na balwarte ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pang probinsya.
Ulat ni Ansherina Baes
