Nagbatuhan ng sisi ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at San Miguel Corporation (SMC) dahil sa isyu ng pagbaha at baradong kanal sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, sa gitna ng malalakas na pag-ulang dulot ng bagyong “Crising” at habagat.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, isang poste ng MRT-7 ang nakaharang sa drainage system sa Commonwealth Avenue, dahilan upang hindi lubos na gumana ang daluyan ng tubig at tumindi ang baha.

“Iyong isa pong major drainage system sa Commonwealth Avenue ay naharangan po ng isang poste. Halos 1/3 na lang po yata or 1/4 ang gumagana,” saad niya sa isang press briefing nitong Martes, Hulyo 22.

Buwelta naman ng SMC, na nasa likod ng konstruksyon ng MRT-7, lahat ng kanilang mga estruktura ay itinayo sa labas ng mga drainage line at may coordination sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Flooding in Metro Manila is a longstanding and complex issue, often rooted in poor waste disposal and inadequate maintenance of drainage systems,” giit ng SMC sa statement.

Ulat ni Bea Tanierla