Sa kabila ng pagtanggi ng kampo ng celebrity na si Gretchen Barretto na wala itong kinalaman sa kaso ng missing sabungero, pinanindigan ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy” na kasama ito sa Alpha Group na nagdedesisyon sa mga kritikal na isyu na may kinalaman sa negosyong pasabong ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
“Isa sa tumaas ng kamay ‘yan (Gretchen Barretto)…ibig sabihin pumabor siya sa kagustuhan ni Atong Ang,” sabi ni Totoy.
Sa esklusibong panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni Totoy na halos lahat ng pagpupulong ni Atong Ang sa Manila Arena kasama ang Alpha Group ay nandoon si Barretto sa tabi niya upang sumuporta sa ano mang desisyon na kanyang isinusulong para sa kumpanyang Lucky Star Press 8 na nagpapatakbo ng mga sabungan.
“Alam n’yo naman na kasama ni Atong Ang ‘yan (Gretchen Barretto). Kasama sila sa nag-meeting-meeting. Kasama siya sa pumayag na walain ‘yung mga sabungero,” giit ni Totoy.
Kasama pa diumano sa pagpupulong ng Alpha Group ang isang Engineer Celso Salazar, na malapit na kaibigan ni Ang.
