Hindi maubos isipin ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang kung bakit bigla siyang tinalikuran ni Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy,” nang isangkot siya sa misteryosong pagkawala ng mahigit 100 sabungero sa kabila ng maayos na pagtrato niya sa kanya sa matagal na panahon nilang pagsasama.

“Mag-isip ka, Don. Kung ano man ‘yan, ‘wag ka na magsinungaling nang magsinungaling. Trinato kita parang anak,” sabi ni Ang.

“‘Di ko alam na ganyan kang kasama pati ako pap@tayin mo, kikidnapin mo,” sabi ni Ang sa press conference matapos siyang maghain ng reklamong kriminal sa Mandaluyong City Prosecutors Office kasama ang kanyang abogado na si Atty. Lorna Kapunan ngayong Huwebes, Hulyo 3.

Si Patidongan ay tinukoy ng Department of Justice (DOJ) na alyas “Totoy” na diumano’y dating security officer ni Ang na may pinanghahawakang impormasyon sa pagpatay sa mahigit 100 sabungero na itinapon sa Taal Lake.

Aminado si Ang na dati niyang pinagkatiwalaan si Patidongan sa kanyang mga negosyo at wala itong nakikitang dahilan upang talikuran siya nito at idiin sa pagkawala ng mga sabungero.

Aniya, ilang ulit humingi ng pera diumano si Patidongan sa kanya para sa personal na bagay tulad ng gastusin para sa panganganak ng kanyang misis hanggang sa kanyang pagsabak sa pulitika sa Surigao.

Giit pa niya, hindi kailan man papasok sa kanyang isip ang puma@tay ng tao tulad ng akusasyon ni Patidongan na aniya ay walang basehan at gawa-gawa niya lamang para makapangikil ng P300 milyon.