Iniulat ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) nitong Huwebes, Hunyo 26, na nasa 5,099 na cybercrime suspect na ang kanilang naaresto mula Enero hanggang Hunyo.

“For this 2025 from January to June, mid-June, we have already arrested 5,099 (persons) on various offenses online. We can call these cybercrime cases,” ayon kay Brig. Gen. Bernard Yang.

Ayon kay Brig. Gen. Bernard Yang, ang pagtaas ng bilang ng mga arestado ay nagpapakita ng patuloy na pag-usbong ng “sophistication of cybercriminals” at ang pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa mga scam, fraud, at identity theft sa iba’t ibang digital platforms.

Sinabi niya na karamihan sa mga naarestong suspek sa online scams ay nasa edad 20 hanggang 30, walang trabaho, at karamihan ay lalaki na dating naging security guard, o empleyado ng Philippine offshore gaming operators (POGOs).

Marami din umano sa mga naaresto ang may higit 100 registered SIM cards. “Bakit mayroon isang individual nakakapag parehistro ng maraming SIM cards?”

“I-report po namin ito sa NTC (National Telecommunications Commission) para ma-block na po yung numbers na iyon,” saad ni Yang.