Sinabi ng isang alyas “Totoy,” na isa sa anim na security guards sa Manila Arena, na ibinaon ang bangkay ng 34 na sabungero sa Taal Lake sa Batangas matapos silang patayin sa sakal gamit ang kawad apat na taon na ang nakaraan nang sila ay naiulat na nawawala.
Base sa interview sa “24 Oras” ng GMA News noong Martes, Hunyo 17, sinabi ni Totoy na handa siyang ihayag ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa naganap na krimen sakaling siya ay matanggap bilang isang state witness sa kaso.
Aniya, matindi ang inaabot na pagbabanta sa kanyang pamilya na naging dahilan upang siya ay magpasya na makipagtulungan sa mga imbestigasyon upang maresolba ang kaso.
Handa rin siya diumano na tukuyin ang indibidwal na nag-utos sa kanya para iligpit ang mga biktima.
Naniniwala si Totoy na ipinapatay ang mga sabungero matapos madiskubre ang kanilang pandaraya sa mga cockfight events.
Una nang hiniling ng Department of Justice (DOJ) na muling arestuhin ang anim na sekyu na kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa misteryosong pagkawala ng 34 na sabungero sa Maynila.
Ang mga ito ay kinabibilangan nina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion, at Roberto Matillano Jr.
