Mariing kinontra ng isa pang grupo ng international lawyers at ng Duterte Panagutin Campaign Network ng Pilipinas ang interim release na hinihiling ng kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), sinabing malalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga testigo sa kaso nitong crimes against humanity.
Dumarami ang mga nananawagan sa International Criminal Court (ICC) laban sa pagpapahintulot sa interim release na hinihiling ng mga abogado ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ang International Association of Democratic Lawyers (IADL) at Duterte Panagutin Campaign Network, parehong nangangamba para sa kaligtasan ng mga biktima, testigo, at kanilang mga abogado sakaling pansamantalang makalaya ang 80-anyos na dating presidente.
“The IADL believes that accountability must prevail. In contrast to the lack of due process in Duterte’s war on drugs, his charges in the ICC require a full, unhindered judicial process. To grant him interim release now threatens or intimidates victims, their families, witnesses and lawyers,” saad sa pahayag ng IADL nitong Miyerkules, Hunyo 18.
Ito rin ang apela ng Duterte Panagutin Campaign Network nitong Martes, Hunyo 17, sinabing kapag napagbigyan ang interim release ni Duterte ay malalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga testigo, na karamihan ay ngayon lang “finding the strength to add their stories to the mountain of evidence.”
Mungkahi naman ng IADL—isang international nonprofit na may consultative status sa mga ahensiyang napapailalim sa United Nations—magpatupad na lang ang ICC ng ‘de novo assessment’ (bagong evaluation, na para bang unang beses pa lang magsasagawa ng hearing sa kaso) sa Articles 58 at 60 ng Rome Statute. Ang dalawang nabanggit na article ay tumutukoy sa pagpapalabas ng arrest warrant o summons sa suspek para sa initial proceedings, kabilang ang aplikasyon ng interim release bago ang aktuwal na paglilitis.
Una nang umapela sa ICC ang Center for International Law (CenterLaw), grupo ng human rights lawyers, para ibasura ang hiling na interim release ni Duterte, sinabing iyon “[may] directly threaten” ang kaligtasan ng mga biktima at makaapekto sa integridad ng nakabimbin niyang prosekusyon.
