Mahigit 100 Chinese nationals na nahuli sa mga Philippine offshore gaming operators (POGO) scam hub sa Cavite, Cebu, Parañaque, at Pasay noong nakaraang taon ang ipina-deport ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI) nitong Martes, Hunyo 17.

“Importante ito sa kanila dahil marami silang nakukuhang impormasyon dito sa bosses, especially kung paano sila nag-o-operate, saan sila nag-o-operate at anu-ano’ng mga sistema sa money laundering,” sabi ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz.

Sa kanilang pagbalik sa China, isasailalim ang mga Chinese nationals sa masusing imbestigasyon dahil ang ilan umano sa kanila ay sangkot sa malaking krimen tulad ng cybercrime, panlilinlang, pandaraya, at money laundering na may mga nabiktima sa iba’t ibang bansa.

Mula nang ilunsad ang crackdown sa POGO hubs noong 2023, tinatayang 4,000 katao na ang naaresto, kung saan 2,500 sa mga ito ay naipa-deport na pabalik sa kani-kanilang bansa.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome