Tinugunan ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul Vasquez ang mga katanungan hinggil sa asylum application ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa The Netherlands at sinabing inaabangan pa umano ng kagawaran ang “formal results” ng kanyang asylum request.

“We are awaiting ‘yung formal result niya at hihintayin natin, hangga’t hindi dumadating ‘yung formal result, doon lamang mag-umpisa ‘yung mga iba pang proseso,” saad ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez.

Aniya, hangga’t wala pa silang natatanggap na pormal na resulta hinggil sa asylum application ni Roque ay hindi pa umano sila magsisimula sa ibang hakbang na kanilang gagawin.

“Kasi gaya ng sinabi natin, noon pa, at sinabi din ng ating Secretary Boying Remulla na ‘yan ay pre-conditioned bago po pumasok ‘yung deportation at extradition,” paliwanag ni Vasquez.

Kaugnay rito, sinabi niya rin na ang “ongoing” na petisyon ng prosecution na ikansela ang pasaporte ni Roque, ay mahalaga rin umano sa pagkilos nila sa pag-aresto rito.

Ulat ni Jilliane Libunao