Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nitong Martes, Hunyo 17, makikinabang ang 1.5 milyong batang mag-aaral sa pinalawak na supplemental feeding program ng pamahalaan na magsisimula ngayong darating na Hulyo.

“Ang nakalaan na pondo ho diyan ay halos P5.1 billion, kulang-kulang 1.5 million na mga naka-enroll sa mga child development center ang makakatanggap ng araw-araw na pagkain for a 120 days,” sabi ni DWSD Secretary Rex Gatchalian.

”These are hot meals na pini-prepare sa mga centers mismo or sa mga local government units,” sabi niya.

Sa simula ng feeding program ay susukatin ang timbang at tangkad ng mga bata at muling susukatin pagkatapos ng 120 araw upang ma-monitor ang kanilang kalusugan.

Isinasagawa ang supplemental feeding program taon-taon mula nang maitatag ito noong 2018 sa ilalim ng Republic Act No. 11037 o ang “Masustansiyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act.”

Ulat ni Julian Katrina Bartolome