Mababasa sa mukha ng beteranong brodkaster na si Alvin Elchico sa pagbabalik sa ere ng DZMM RADYO 630 alas-8 ng gabi noong Huwebes, Mayo 29, o dalawang taon matapos bawian ng prangkisa ang mother company nito ng noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Isang makasaysayang pagbabalik ng nangungunang himpilan sa radyo… ang kauna-unahang radyo sa telebisyon,” sabi ni veteran broadcaster Alvin Elchico.
“Isang pangalan na naging bahagi ng bawat tahanan… bawat biyahe sa lansangan… bawat kuwento ng sambayanan,” dagdag ni Elchico.
Ang pagbabalik ng DZMM, na gamit ang slogan na “Una sa Balita, Una sa Public Service,” ay pormal na inanunsiyo ng Philippine Collective Media Corporation (PCMC), bago muling umere ang iconic media brand.
Nang kinansela ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN sa direktiba ni Duterte, nag-rebrand ang DZMM bilang DWPM sa ilalim ng PCMC. Tumigil ang operasyon ng DZMM noong Mayo 2020.
Bukod kay Elchico, magbabalik DZMM na rin ang mga beteranong broadcasters na sina Noli De Castro, Charo Santos, at Doris Bigornia na mga kilalang haligi ng istasyon.
“Hindi kailanman nawala ang boses ng paninindigan at paglilingkod. Ito po ang DZMM Radyo 630 at DZMM Teleradyo,” ani Elchico.