Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes, Mayo 29, na hindi na kailangan ang barangay certificate sa voters’ registration, matapos mapag-alamanang ito ay ginagamit umano ng ilang opisyal sa katiwalian.
“Tinatanggal na namin ang barangay certification bilang ebidensya na pwedeng gamitin na pagpapatunay na taga-doon ang mga tao. Dahil sa aming palagay, ‘yan ay ginamit, na-weaponize upang mahakot ‘yung ibang tao sa ibang lugar at palabasin na sila ay taga-rito,” sabi ni Garcia.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, binabago na nila ang mga alituntunin sa voters’ registration na inaasahang ilabas sa lalong madaling panahon.
“Napakadami naming inimbestigahan at kinasuhan na mga barangay officials. Dahil sa aming palagay, ‘yan ay ginamit, na-weaponize upang mahakot ‘yung ibang tao sa ibang lugar at palabasin na sila ay taga-rito,” aniya.
“Para maiwasan ‘yan, hindi na kami tatanggap ng mga barangay certification bilang pagpapatunay na sila ay registered voters,” dagdag ni Garcia.
Samantala, nilinaw niya na tatanggapin pa rin ang iba pang ID tulad ng Postal ID, Senior Citizen’s ID, at Student’s ID bilang patunay ng tirahan.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome