Tinatayang 87 porsyento ng mga Pilipino ang nagnanais na unahin ng Senado ang mga reporma sa edukasyon sa nalalapit na pagbubukas ng 20th Congress, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula nitong Mayo 2-6, lumabas na marami sa mga Pilipino ang nagsabing dapat tutukan ng Senado ang pagpapahusay sa accessibility ng edukasyon sa pamamagitan ng pagpapatibay sa pampublikong sistema ng edukasyon, pamamahagi ng mga scholarship, at pagpapalawak ng mga vocational training program.

Sa isang pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 5.58 milyong Pilipino na kahit nagtapos na ng junior high school ay itinuturing pa ring ‘functionally illiterate’ o hindi pa rin ganap na marunong magsulat, magbasa, at umunawa ng impormasyon.

Lumabas din sa SWS survey na 83 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat suportahan ng mga senador ang pag-unlad ng agrikultura sa pamamagitan ng subsidiya, pagsasanay, at pagbibigay ng access sa merkado para sa mga magsasaka upang mapalakas ang seguridad sa pagkain.

Gayundin, maraming Pilipino umano ang nagnanais na unahin ng Senado ang pamumuhunan sa healthcare (82 porsyento), pagpapalawak ng social welfare (79 porsyento), pagtaas ng sahod (74 porsyento), job creation (73 porsyento), price control (71 porsyento), at reporma para sa transparency at accountability sa gobyerno (67 porsyento).

Isinagawa ang survey sa 1,800 rehistradong botante na may edad 18 pataas.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome