Sa ginanap na press conference ng Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes, Marso 24, sinabi ni DOTr Secretary Vivencio “Vince” Dizon na hiniling niya sa transport group na MANIBELA na huwag nang magsagawa ng transport strike at makipag-usap na lamang sa kagawaran at sa gobyerno.

“Nananawagan po ako sa grupong MANIBELA, kay Mar Valbuena, sana na imbis na mag-s-strike tayo at papahirapan pa natin ang mga commuter natin, sana mag-usap na lang tayo kasi open naman tayo. Lahat naman ng hinaing nila papakinggan natin at gagawan natin ng solusyon,” saad ni Dizon.

Ito ay matapos magsagawa ng transport strike ang public transport group na MANIBELA noong Biyernes, Marso 21, upang kontrahin ang datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagsasabing 86 porsyento na ng mga operator at driver ng public utility vehicles (PUV) ang nag-consolidate para sa PUV modernization program ng gobyerno.

Ikinasa ng MANIBELA ang transport strike ilang araw bago ang kanilang inanunsyong three-day transport strike na sinimulan ngayong Lunes, Marso 24, dahil ayon kay Valbuena, “pabago-bagong announcement ng schedule ng dayalogo” nila sa mga transport officials.

Ulat ni Ansherina Baes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *