Nagsagawa ng jeepney strike ang transport group na MANIBELA nitong Biyernes, Marso 21, ng umaga sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, na napaaga ng ilang araw sa kanilang itinakdang kilos-protesta sa Lunes, Marso 24.
Sa isang panayam, sinabi ni MANIBELA leader Mar Valbuena na nagpatuloy sila sa kanilang kilos prostesta dahil sa “pabago-bagong announcement ng schedule ng dayalogo” nila sa mga transport officials.
“Sinimulan natin ang strike ngayong araw dahil sa pabago-bagong announcement ng schedule ng dayalogo. Noong Martes sinabi ng executive assistant na available daw sila, sabi naming available din kami. Sinabi nilang hindi available si (Transportation) Sec. Vince Dizon. Sinabi nila na sa March 26 pa e alam nilang may nakakasang transport strike,” saad ni Valbuena.
Nananawagan ang grupo na magbitiw sa puwesto ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umano’y nagsinungaling nang sabihin nilang 86 porsyento na ng mga operator at driver ng public utility vehicles (PUV) ang nag-consolidate para sa PUV modernization program ng gobyerno.
Ulat ni Bea Tanierla