Hindi lang isa. Hindi lang dalawa, kundi tatlo ang binitawang dahilan ng Land Transportation Office (LTO) kung bakit nasabi nitong peke ang protocol plate Number ‘7’ na nakitang nakakabit sa puting Cadillac Escalade na ilegal na gumamit ng EDSA busway nitong Linggo ng gabi.

Ipinaliwanag ni Atty. Greg Pua Jr., executive director ng Land Transportation Office (LTO), na may tatlong dahilan na nakita sila sa sinasabing protocol plate number ‘7’ na nakakabit sa Cadillac Escalade na pinara ng mga traffic enforcer dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa EDSA bus lane.

“It is not the design we (LTO) are using to protocol plate no. 7,” sabi ni Pua sa panayam ng ABS-CBN News ngayong Martes, Nobyembre 5.

Ayon kay Pua, inungkat din nila ang records sa LTO at lumitaw na walang protocol plate number 7 na inisyu sa isang puting Cadillac Escalade tulad nang nakunan ng video ng mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) nang tangkain nilang parahin ang sasakyan.

Dagdag pa ng opisyal, wala rin silang nakitang design and security features sa plaka ng Escalade na opisyal na nakalagay sa tunay na protocol plates na iniisyu ng LTO.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *