Ganito sinagot ng 2024 FAMAS Awards Best Actor na si Alfred Vargas ang pag-uusisa ng Bandera tabloid kung papayagan ba niyang pumasok din sa pag-aartista ang sinuman sa kanyang apat na anak.

“I’ll be the happiest father kapag nag-artista sila, pero kung ayaw nila, I’ll respect them. Kasi gusto ko gayahin din nila ako; sinunod ko lang kung ano ang nasa puso ko. Kung hindi mo susundin, hindi ka magiging masaya. Puwede kang maging successful, pero hindi ka magiging masaya. Gusto ko they’ll follow their dreams,” ani Vargas.

Naniniwala si Alfred, isa sa pinakaaktibong konsehal ng Quezon City ngayon, na importanteng sundin ng tao ang nilalaman ng puso niya, o kung ano ang makakapagpasaya sa kanya.

Nang tanungin kung alin sa showbiz o serbisyo publiko ang mas matimbang sa puso niya, sagot ni Alfred: “Sa public service na talaga, kasi mas fulfilling. Ginagawa ko lang ito (pelikula) kasi first love ko ang acting, at ‘saka mahal ko naman talaga.”

Sa kabila nito, mas nape-pressure raw si Alfred sa public service kaysa pag-arte.

“Kasi sa acting, sarili mo lang ang iisipin mo, eh. Sarili mo lang ang responsibilidad mo. Sa public service, responsibility mo lahat ng tao, ‘di ba?” ani Alfred.