Sa esklusibong panayam ng Pilipinas Today ngayong Huwebes, Abril 4, sinabi ng isang homeowner ng Multinational Village sa Paranaque na nakaranas siya ng pangha-harass ng isang grupo ng Chinese nationals na kanyang naka-argumento sa loob ng kanilang subdivision ilang buwan lang ang nakararaan.

“I’m a homeowner at Multi, and I had an unfrienly encounter just recently with 4 drunk chinese nationals with armed escorts (protection agents). Their SUVs were marked with big Auxuliary Coast Guard stickers,” sabi ng isang homeowner sa Multinational Village sa Paranaque.

Ayon sa kanya, lango sa alak ang Chinese nationals habang minamaneho ang isang SUV na may sticker ng Philippine Coast Guard nang magkagitgitan sila sa loob ng village.

Nang bumaba siya sa kotse para komprontahin ang mga aroganteng Chinese, namagitan ang mga Pinoy escorts ng mga ito na bumaba sa mga backup vehicles.

Aminado rin siya na bumunot siya nang baril nang makita niyang kukuyugin siya ng mga lasing na Chinese kaya umatras ang mga ito.

Aniya, humupa lang ang tensiyon nang mamagitan ang mga Pinoy escorts na humingi agad ng paumanhin sa kanya dahil sa insidente.

“This is alarming because they claim to be members of Aux. Phil. Coast Guard,” ayon sa homeowner.