Nakamit ng Filipino cyclist na si Patrick Coo ang bronze medal sa cycling’s BMX racing sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China noong Linggo, Oktubre 1.

Si Coo ay nagtala ng 39.076 segundo upang magtapos sa ikatlo sa likod nina Asuma Nakai ng Japan (37.542), at Komet Sukprasert (38.478) na umangkin ng ginto at pilak na medalya, ayon sa pagkakasunod.

“I’m very happy but hurting for sure,” sinabi ni Coo na nagalusan ang itaas na bahagi ng kanyang kanang binti sa kanyang unang pagsemplang. “I ripped my pants in the process and got it fixed immediately.”

Ang isa pang Pinoy na siklista na si Daniel Caluag, 2014 Asian Games champion, ay nag-qualify din sa finals ngunit nagtapos sa ikaanim, na nagtala ng 40.433 segundo.

Ito ang ikasiyam na medalya ng Pilipinas sa Asiad matapos ang ginto mula kay EJ Obiena sa pole vault, pilak mula kay Arnel Mandal ng wushu, at pitong tanso, kabilang ang nakuha ni Coo.