Isang 24-anyos na bartender ang nasawi matapos na malunod habang naliligo sa dagat sa Nasugbu, Batangas.

Nakilala ang biktima na si Mark Andrew Famor, residente ng Paranaque City.

Batay sa ulat ng Nasugbu Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong 4:00 ng hapon nitong Martes, Setyembre 12, sa karagatan sakop ng Sitio Baybay, Barangay Bucana sa nasabing bayan.

Nagtungo umano ang biktima sa dagat upang maligo subalit tinangay ito ng malalaking alon at malakas na agos dahilan upang hindi na ito makaahon at tuluyang nalunod.

Ang bangkay ng biktima ay na-recover ng mga tauhan ng Nasugbu Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Coast Guard Nasugbu Sub Station, kinabukasan dakong 7:00 ng umaga.

Wala namang nakitang indikasyon ng foul play sa nangyaring insidente.

Paniwala ng mga imbestigador, posibleng hinigop ng malakas na water current ang biktima habang naliligo dahilan upang ito ay malunod.

Ulat ni Baronesa Reyes