Unti-unti ang ginagawang paghihilom sa sarili ng dating Kapamilya at Kapuso actress, at ngayon ay realtor sa US na si Michelle Madrigal.

Matatandaang matindi ang pinagdaanan ng dating sikat na aktres at produkto ng star discovery reality show na Star Circle Quest noong 2004, partikular sa kaniyang relasyon sa kaniyang dating asawang si Troy Woolfolk, na diniborsiyo ni Michelle noong 2022. Naganap ang divorce, isang taon matapos na ihayag ng aktres na hiwalay na sila ng dating kabiyak.

Sa kaniyang Instagram post, sinabi ni Michelle na maraming nagme-message sa kaniya na katulad niya na dumaan sa toxic relationship o kaya naman ay nasa proseso ng divorce.

“The main question I hear a lot is ‘Where do you get your strength from? Simple answer: from my King. My father. I cannot tell you enough how many times I’ve cried to him,” ani Michelle sa kaniyang madamdaming Instagram post, pagtukoy sa Diyos.

Ang kaniyang matinding pananalig sa Maylikha at pagtitiwala sa proseso ang nagbigay ng lakas sa kaniya para hindi na alalahanin pa ang bukas.

Ayon pa sa dating aktres, pinahahalagahan niya ang “Reciprocated energy. Reassurance. Consistency. Commitment. Communication,” at maging ang pagsuko at patuloy na pananalangin.

Aminado si Michelle na hindi madali ang healing process dahil may tendensiya siyang muling bumalik sa “old patterns and habits.” “I still have to do the inner work but by the grace of God… I’m here. Rebuilding my life one day at a time,” ayon pa sa dating aktres.

Pagbabahagi pa ng aktres sa kaniyang post na malaki ang naging tulong ng pagiging mapag-isa sa kaniyang healing journey. Ayon pa nga kay Michelle, iyon ang pinakamagandang nagawa niya sa sarili niya.

“Not drinking my feelings away nor ignoring the fact that I am human and allowing myself to have those emotions,” saad ni Michelle.

Samantala, matatandaang nagkaroon din siya ng karelasyon na nagngangalang Kyle, na katulad din niyang diborsiyado at may mga anak, subalit tila nagsplit din pagkatapos.

May anak na babae si Michelle sa kaniyang asawang si Troy na ang pangalan ay Anika.