Pinalutang ng House prosecution ngayong Huwebes, Oktubre 29, ang posibilidad na nag-commit ng tax evasion, o umiwas sa pagbabayad ng buwis, si Vice President Sara Duterte makaraang ibunyag na aabot sa kabuuang P111.85 milyon ang kaibahan ng kanyang declared income sa kanyang bank deposits.

“Hindi lang ho ito issue ng non-disclosure or unexplained wealth. This is also an issue of tax evasion,” ani House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Sa presscon ngayong araw, hinimay ni House trial spokesperson at Lanal del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang financial records ni VP Sara na hawak ng prosekusyon, ipinakita ang P174.96 milyon pumasok sa bank accounts ng Bise Presidente kumpara sa P63.11 milyon kita idineklara nito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) mula 2022 hanggang 2025, o may kabuuang P111.85 milyon na hindi naideklara.

Ang nasabing findings ay bahagi ng report ng forensic accounting expert na si Atty. Alexander Cabrera, na sumuri sa income tax returns, bank records, at iba pang financial documents ni VP Sara na iprinisinta sa Senate impeachment trial.

Kasama ang P111.85-million alleged undeclared income ng Bise Presidente sa taya ni Cabrera na pumapalo sa P817.87 milyon ang umano’y unexplained wealth at undeclared assets ni VP Sara at asawang si Atty. Mans Carpio.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *