Tumutugma ang tatlong rehistro ng motorsiklo na nakalap ng Pilipinas Today sa mga detalyeng binanggit ni Ramil Madriaga sa kanyang supplemental affidavit sa House impeachment hearing nitong Abril 14 tungkol sa “high-end motorcycles for Sara’s use” na ipinabili umano sa kanya ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong 2021.

Sa harap ng House Committee on Justice nitong Abril 14, detalyadong inilahad ni Ramil Madriaga, nagpakilalang “bagman” umano ni Vice President Sara Duterte, ang pagbili niya ng hindi bababa sa 11 motorsiklo noong 2021 sa utos umano ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

“Sometime in 2021, PRRD gave me Twenty-Five Million Pesos (PhP25,000,000.00) to purchase high-end motorcycles for Sara’s use while she is in Metro Manila and other ordinary motorcycles for our group’s operations,” saad ni Madriaga sa kanyang sinumpaang salaysay.

Sinabi ni Madriaga na dalawa sa high-end motorcycles na kanyang binili ay Harley-Davidson mula sa isang dealership sa Greenhills EDSA na nagkakahalaga ng aabot sa P2.5 milyon (inclusive of accessories) at P2 milyon (exclusive of accessories), na ipinangalan niya sa kanyang anak.

May dalawa pang Ducati motorcycles na binili si Madriaga, nakapangalan sa kanya, na nagkakahalaga ng P3.5 milyon at P2.3 milyon, at binilhan pa umano niya ng accessories na umaabot sa P500,000.

Bukod dito, bumili rin umano si Madriaga ng pitong Yamaha NMAX motorcycles na ginamit sa operasyon ng Initiative for Social Justice, Innovation, and Progress Pilipinas (ISIP), na binuo upang suportahan ang dapat sana ay 2022 presidential bid ni VP Sara.

Sa kopya ng certificates of registration ng Land Transportation Office (LTO) sa tatlo sa nabanggit na mga high-end motorcycles—na eksklusibong ibinahagi ng pamilya ni Madriaga sa Pilipinas Today—makikitang ang isang rehistro ay para sa 2021 model Ducati Diavel 12605 na may petsang Oktubre 12, 2021 at nakapangalan kay Madriaga.

Ang pangalawang rehistro ay para sa 2021 model Ducati Scrambler na may petsang Setyembre 21, 2021, na nakapangalan din kay Madriaga; habang ang isa pa ay para sa 2021 model Harley-Davidson Forty-Eight na may petsang Setyembre 30, 2021, at nakapangalan sa anak na lalaki ni Madriaga.