Nagpahayag ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng isang Pinay na overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa isang missile attack sa Haifa, Israel.
“Nakikiramay tayo sa pamilya ng ating kababayang nasawi sa naganap na missile attack sa Haifa, Israel. Kasama nating nagluluksa ang kanyang pamilya sa gitna ng isang trahedyang hindi dapat maranasan ninuman.” sinabi ni Pangulong Marcos.
Sa kanyang X (dating Twitter) post ngayong Martes, Abril 7, inutusan na niya ang mga kaukulang ahensya na magbigay ng tulong sa pamilya at tiyakin ang agarang pagpapauwi ng labi nito.
Binigyang-diin din ng Pangulo na patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa rehiyon.
“Patuloy nating binabantayan ang sitwasyon sa rehiyon. Ang kaligtasan ng bawat Pilipino ang ating pangunahing prayoridad.” saad ni PBBM.
Ulat ni Brit Cezar
