Sapul sa CCTV ang pagnanakaw ng tatlong babae sa ilang dahon ng pitogo na ginagamit sa paggawa ng palaspas sa labas ng isang opisina sa Brgy. 171, Caloocan.

Makikita sa video na ibinahagi sa Facebook noong Biyernes, Marso 27, na lumapit ang tatlong babae sa halaman sa labas ng isang opisina at pumutol ng dahon na inilagay nila sa sako na bitbit ng kanilang kasama.

Agad naman na umalis ang mga babae nang mapansin na may tao sa loob ng nasabing opisina, habang naiwan ng isa sa kanila ang tumbler na dala nito dahil sa pagmamadali.

Ayon sa may-ari, ini-report na nila sa kanilang homeowners’ association ang insidente ng pagnanakaw.

Ulat ni Brit Cezar