Matiyagang nag-aabang ng masasakyan ang halos isang libong pasahero sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila bunsod ng malawakang transport strike na ikinasa ng mga transport group.

Batay sa mga ibinahaging larawan ng transport group na MANIBELA, stranded ang libo-libong pasahero sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nitong Huwebes, Marso 26.

Kabilang sa mga lugar na nakaranas ng matinding kakulangan sa pampublikong sasakyan ang Commonwealth Avenue sa Quezon City, Leon Guinto at Abad Santos sa Maynila, at mga bahagi ng Bagumbayan at Bicutan sa Taguig, gayundin sa Las Piñas.

Ayon sa mga transport groups, ang kanilang kilos-protesta ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na pinalala ng tensyon at kaguluhan sa Middle East.

Inaasahang magpapatuloy ang malawakang tigil-pasada ng mga grupo hanggang bukas, Marso 27.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome