Sa ginanap na Senate ad hoc committee meeting ngayong Martes, Marso 24, tungkol sa pagtugon ng gobyerno sa epekto ng kaguluhan sa Middle East sa Pilipinas, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na binibigyan nila ng psychosocial first aid ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakaranas ng trauma sa serye ng missile attacks.

“Kahapon, nandun din po ang Department of Health kasi napansin mismo ni Presidente na mayroon ding mga apektado dun sa mga pinagdaanan nila sa abroad,” ayon kay Cacdac.

Ayon kay Cacdac, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nakapansin na mayroon pa ring bahid ng takot sa mukha ng ilang mga OFWs na dumating sa Pilipinas nitong Lunes sakay ng chartered flight na pinondohan ng pamahalaan.

Tiniyak ng kalihim na nagtutulungan ang DMW, Department of Health at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maibalik sa normal ang buhay ng mga Pinoy repatriates na nanggaling sa Gitnang Silangan.