Nagdulot ng “extensive damage” ang pag-atake ng Iran sa Ras Laffan Industrial City sa Qatar, ang pinakamalaking gas hub sa mundo, ayon sa energy firm na QatarEnergy.
Ayon sa Qatar Energy ngayong Huwebes, Marso 19, agad na rumesponde ang emergency teams upang kontrolin ang apoy sa Ras Laffan, kung saan napuruhan ang Pearl GTL (Gas-to-Liquids) facility nito.
Una nang inihayag ng Iran na tututok sila sa pag-atake ng energy facilities sa Gulf region bilang ganti sa umano’y pagbomba ng United States at Israel sa kanilang energy facilities.
Matatandaan na itinanggi ng US ang anumang kinalaman sa pag-atake ng Israel sa South Pars gas field, ang pangalawang pinakamalaking natural gas deposit sa mundo, kasunod ng Ras Laffan sa Qatar.
Siniguro naman ng US na hindi na pupuntiryahin ng Israel ang South Pars gas field, ngunit nagbabala ito na kung susubukan muling atakihin ng Iran ang Qatar gas fields, pasasabugin umano ng US ang kabuuang South Pars gas field “at an amount of strength and power that Iran has never seen.”
Ulat ni Bea Tanierla
