Magbibigay ang Department of Transportation (DOTr) ng 50 percent discount para sa lahat ng pasahero ng MRT-3 at LRT-2 simula sa Lunes, Marso 23.

“Pagagaanin natin ang araw-araw na biyahe. Sa MRT at LRT ay magdidiskwento po tayo sa pamasahe. Gagawin natin ang lahat para manatiling maayos at tuloy-tuloy ang biyahe ng bawat Pilipino,” pahayag ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi naman ni DOTr Secretary Giovanni Lopez na malaki ang maitutulong ng diskwento sa pamasahe sa tren para makatipid ang mga pasahero.

“Ginagawa ng pamahalaan ang lahat para maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa gitna ng gulo sa Middle East. Prayoridad natin ang tuloy-tuloy na biyahe at mas murang pamasahe kaya magbibigay tayo ng 50% discount sa MRT-3 at LRT-2 para sa lahat,” ayon kay Lopez.

Paliwanag pa ng transport chief, malaki ang matitipid ng mga bumabyahe kung sasakay ng tren na may discount sa pamasahe, sa halip na magdala sila ng sasakyan at kumonsumo ng napaka-mahal na langis.

Samantala, epektibo pa rin ang 50 percent discount para sa white beep cards ng mga senior citizens, persons with disabilities (PWD), at mga estudyante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *