Ipinaliwanag ni House Infrastructure Committee chairman at Bicol Saro Rep. Terry Ridon sa panayam sa kanya ni Christian Esguerra sa programang “Facts First” kung bakit mahirap paniwalaan ang mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya kumpara kina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District engineers Brice Hernandez at JP Mendoza.

“Una sa lahat, itong dalawang batang engineer I think ‘yung mga binigay po nilang mga detalye, I think at the great cost of their life and security and their families…ito pong mag-asawa I think they are one of the co-conspirators of all the schemes that is being undertaken,” saad ni Ridon.

Para sa kongresista, ang mga ibinigay na detalye nina Hernandez at Mendoza sa ginanap na pagdinig sa InfraComm ay “at a great cost of their life and security and their families.”

“At this point kasi itong paglalabas po nitong mga disappearing messages na ito, ‘yung mga litrato ng pera, parang wala na hong balikan dito kumbaga kung ano na ‘yung nasabi mo touchmove ka na. Ibig sabihin wala nang, alam mo ‘yun, you have crossed the red line,” dagdag ni Ridon.

Samantala, nahihirapan umano si Ridon na maniwala kina Curlee at Sarah Discaya, owner ng siyam na construction firm na iniimbestigahan sa maanomalyang flood control projects, dahil marami umanong “very gaping holes” sa kanilang “bombastic affidavit.”

“Bakit hanggang 2022 lang nagsimula ‘yung pag-leledger nila ng pangalan at bakit hindi man lang umabot ng 2016 ito pong mga ito at bakit walang senador. Parang hindi ho nila talaga naipapaliwanag nang maayos eh. So parang mahirap ho silang paniwalaan,” saad niya.

Ulat ni Ansherina Baes