Sa kanyang Facebook post nitong Biyernes, Hulyo 11, ibinahagi ng web developer na si John Daeniele Satsatin na gumawa siya ng isang web application na “Maglalaba ba?” na nag-che-check ng kasalukuyang weather condition ng web user para makapagdesisyon ito kung maglalaba o hindi.
“Hi guys, malakas kasi ulan nitong mga huli kaya ‘di ako makapaglaba, kaya gumawa ako ng isang Web Application na nag-che-check ng current weather conditions mo para sa paglalaba,” saad ni Satsatin.
Aniya, nakabatay ang mga dialogs ng web app sa Rain Forecast, Average Temperature, at Humidity, at mayroon din umano itong function na nag-ca-calculate ng estimated time para matuyo ang mga sinampay.
“Nag iiba rin ‘yung ginagawa ni Ate (ang babae na makikita sa app) kapag iba ‘yung panahon as well as ‘yung colors at dialogs,” paliwanag niya.
“This application (https://labada.vercel.app/) is supposedly to be for people na hindi used to reading metrics and hindi masyadong literate. Kaya sana po ‘wag mangbash if hindi masyadong technical and walang analytics,” dagdag pa ng web developer.
Ayon pa sa kanya, bukas umano siya sa anumang suggestions, kritisismo, at contributions.
Ulat ni Ashley Nicole Ulep
