Aabot sa 12,000 pulis ang ipakakalat sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila para sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 28, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, muling i-a-activate ang “Manila Shield,” kung saan magsasagawa ng border control measures ang mga tauhan mula sa Calabarzon, Central Luzon, at National Capital Region Police Office (NCRPO).

Magkakaroon din ng standby reserve force sakaling mangailangan ng karagdagang personnel sa mismong araw ng SONA.

Bagama’t wala pang natatanggap na aplikasyon para sa rally permits, tiniyak naman ng ahensya na nakikipag-ugnayan na sila sa mga grupong balak magsagawa ng protesta upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang mga aktibidad.

Nilinaw rin na limitado lamang ang mga kilos-protesta sa Tandang Sora area sa Commonwealth Avenue, habang ang command center ng pulisya ay itatayo sa Batasan Police Station.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome