Muling sinabihan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga private recruitment agencies hinggil sa total deployment ban sa Israel at Iran sa gitna ng tumitinding karahasan sa pagitan ng dalawang bansa, lalo na at umatake na rin ang Estados Unidos sa huli.

Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na saklaw ng total deployment ban ang pagpapadala ng new hires at bumabalik na overseas Filipino workers (OFWs) sa dalawang bansa kung saan nagdeklara ng Alert Level 3 ang Department of Foreign Affairs (DFA).

Bago pa man itinaas sa Alert Level 3, inabisuhan na ng DMW ang lahat ng private recruitment agencies na ipagpaliban ang pagpapadala ng mga OFWs na naproseso ang kanilang dokumento sa kanilang pagtungo sa dalawang nagbabakbakang bansa sa Middle East.

Hanggang Hunyo 19, umabot na sa 58 ang stranded OFWs – kabilang ang 43 na patungong Israel at 15 sa Jordan – na nabigyan ng tulong ng Migrant Workers Office sa Dubai at Abu Dhabi para sa kanilang repatriation pabalik ng Pilipinas.

“With the alert level, we will issue the corresponding notice to all about the total deployment ban for Israel and Iran,” sabi ni Cacdac.