Sa kanyang talumpati sa ginanap na turnover ceremony sa Camp Crame, Quezon City nitong Lunes, Hunyo 2, sinabi ng bagong itinalagang Philippine National Police (PNP) chief na si Gen. Nicolas Torre III na hindi makikitang natutulog sa pansitan ang mga pulis sa kanyang termino.
“Makikita niyo kami sa lansangan, sa komunidad, sa palengke, at sa bawat lugar na kinakailangan ng aming presensya para magbigay ng kapanatagan ng kalooban,” sabi ni newly-installed PNP chief Gen. Nicolas Torre III.
“Sa ilalim ng aking pamumuno, ang batas ay patas, ang serbisyo ay mabilis, at ang kapulisyahan ay karapat-dapat ng inyong tiwala,” sinabi ni Torre, isang miyembro ng PNP Academy Class 1993.
Nagpahayag ng kahandaan si Torre, 55-anyos, na ipatupad sa mga pangunahing siyudad ang 3-minute police emergency response time sa mga pangunahing siyudad sa bansa base sa kanyang karanasan nang siya ay hepe ng Quezon City Police District (QCPD) na malaki ang naitulong sa pagsugpo ng kriminalidad sa siyudad.
Ang prinsipyo ng increased police visibility ay kabilang sa mga pangunahing direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Torre upang masugpo ang problema sa kriminalidad, kabilang ang ilegal na droga.
“Hindi dapat natatakot ang estudyante, o mga manggagawa, motorista, magulang na maglalakad sa kalsada umaga man o gabi,” ayon kay Pangulong Marcos.
