Sa presscon ngayong Miyerkules, Hulyo 15, ipinaliwanag ni House prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. kung bakit hindi na kinailangan pa ng prosekusyon na iharap ang testimonya nina Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Zuleika Lopez at Capt. Belinda Bello ng Kamara de Representantes sa Senate impeachment court.
“Malinaw naman, hindi ang detention [ni Atty. Zuleika Lopez] ang reason kung bakit nagkaroon ng pananakot. Ang detention lang ang panahon kung kailan inanunsiyo sa buong mundo na mayroon nang kasunduan na ipap@tay ang Presidente,” sabi ni House prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr.
Ayon kay Tolosa, malinaw nang nailahad ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc na hindi ang pagkaka-contempt at pagkaka-detain ni Lopez sa Kamara ang dahilan ng pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay nina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House speaker Martin Romualdez.
Sinabi mismo ni Lotoc na ang isinagot ni VP Sara sa vlogger na si Princess Maui ay ang mismong detalye ng pakikipag-usap ng Bise Presidente sa “tao” na inutusang pat@yin ang Pangulo, ang First Lady, at si Romualdez, kumpleto sa bilin na “huwag kang tumigil, ha, hanggang hindi mo mapatay sila.”
Matatandaang kinumpirma pa ni VP Sara na sumagot ng “yes” ang kanyang kausap.
“Nagkaroon na ng ganitong kasunduan, na patayin ang Presidente, bago pa nangyari ang detention. So, hindi ang detention ang reason kung bakit nangyari ‘to,” sabi ni Tolosa.
