Sinabi ni Apollo Quiboloy, pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) na nakabase sa Davao City, na nagtatago siya dahil sa impormasyon na ipapatay siya matapos na gipitin ng Senado at House of Representatives na humarap siya sa kanilang hearing.

Sa 36-minutong voice message na na-upload sa YouTube ngayong Miyerkules, Pebrero 21 ng umaga, sinabi ni Apollo Quiboloy na ang United States government ang may plano umanong ipaligpit siya.

Sinabi ni Quiboloy na maaari siyang tumawag para sa isang press conference, ngunit ipinagpaliban niya ito bunsod ng banta kanyang buhay.

Sa kabuuan ng kanyang mensahe, hindi binanggit ni Quiboloy kung tutugon siya subpoena na inilabas ng Kongreso habang inilarawan niya ito bilang paninira sa kanyang reputasyon.

Kinailangan din ng Kamara ang kanyang presensya sa darating na Marso 12 sa harap ng Committee on Legislative Franchises na nag-iimbestiga sa mga umano’y paglabag ng Sonshine Media Network Inc. na pag-aari ng KOJC sa prangkisa nito.