Idinemanda ng isang Turkish ang kanyang doktor dahil sa halip na lumaki ang kanyang ari pagkatapos ng penis enlargement surgery, nabawasan pa ang sukat nito ng isang sentimetro.

Iginigiit ni Ilter, isang banker mula sa Tekirdag, Turkey, na mabayaran siya ng US$16,500 (P893,048) danyos ng nag-opera sa kanya na si Dr. Haluk Soylemez, na nangakong kaya nitong pahabain ang kanyang ari ng hanggang tatlong sentimetro o mahigit isang pulgada, iniulat ng news website na The Sun nitong Enero 17.

Dalawang beses inoperahan si Ilter pero sa huli, nabawasan pa ng one centimeter ang orihinal na sukat ng kanyang ari, na napuno pa ng peklat.

Ayon sa salaysay ng abogado ni Ilter sa 1st Civil Court of First Instance, napakasakit ng naging procedure at mahigit isang buwan daw na hindi nakalakad ang banker, na kalaunan ay dinugo kaya sumailalim muli sa operasyon.

Depensa naman ni Soylemez, walang mali sa ginawa niyang surgery kundi may problema raw sa anatomical structure ni Ilter kaya nabigo ang enlargement procedure—pero hindi naman nabawasan ang sukat.

Paglilinaw pa ng doktor, hindi siya nagbigay ng anumang commitment kay Ilter sa madadagdag sa ari nito, at inalmahan din ang halaga ng danyos na hinihingi ng banker.

Ulat ni Henry Santos