Patay ang isang kumakandidatong konsehal ng barangay habang sugatan naman ang re-electionist na kapitan matapos na pagbabarilin ng tagasuporta ng kalabang kandidato sa isang lamayan sa Masbate City noong Linggo, Oktubre 22.

Nakilala ang nasawing kandidato na si Juvy Pintor, 22, tricycle driver at resident eng Barangay Maingaran sa nasabing lungsod.

Isinugod naman sa pagamutan ang kapitan na si Joseph Martinez, 59 , na nagtamo ng tama ng bala sa katawan.

Batay sa ulat ng Masbate City Police, naganap ang insidente nitong Linggo sa Barangay Maingaran.

Nagtungo umano ang mgabiktima kasama ang ilang mga kandidato sa burol ng kanilang kapitbahay nang mapadaan ang grupo ng tumatakbong kapitana ng barangay na si Dolores Inopia.

Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang grupo ng biktima at grupo ng mga tagasuporta ni Inopia.

Isa sa mga tagasuporta ni Inopia ang bumunot ng baril at pinaputukan ang dalawang kandidato.

Agad na isinugod sa pagamutan ang mga biktima habang tumakas naman ang mga suspek.

Ulat ni Baronesa Reyes