Hindi na nakapagtimpi si dating senador at ngayo’y Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile at pinasaringan si TV host Vice Ganda ng noontime program “It’s Showtime!”

“Yung binigay na katangian mo sa iyong lipunan ay hindi mo na tinitignan ang kakulangan ng iba. Sarili mo na lang iniisip mo, akala mo maganda yung ginagawa mo. Super bastos ka, bastos kang tao,” pahayag ni Enrile sa kanyang programa sa SMNI News noong Sabado.

Ayon pa kay Enrile, ginagamit ni Vice Ganda ang kanyang papularidad upang linlangin ang mga viewers na normal lang ang kanyang maling asal na ipinakikita sa TV at napapanood ng milyung viewers.

Binansagan ni Enrile ang mga kilos ni Vice Ganda sa kanyang program na “salacious” o puro kalaswaan.
Sinabi pa ng beteranong mambabatas na tila walang pakialam si Vice Ganda sa iniisip at kapakanan ng publiko sa kanyang inaasal sa telebisyon.

“Hindi lang walang decency kungdi abusado. Alam ko na mapagpatawa yang binabanggit mo na babae magmula pa ng araw ganyan na yan. You’re earning your living and popularity sa kabastusan,” anang Enrile.

Matatandaan na sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 12 araw ang page-ere ng “It’s Showtime” bunsod ng patung-patong na reklamo ng mga umano’y “malaswang” eksena na ipinakita ni Vice Ganda at iba pang host sa naturang noontime show.