Nilinaw ng Department of Health (DOH) noong Linggo, Hunyo 1, na hindi magiging epektibo ang pagsusuot ng face mask laban sa pagkalat ng monkeypox (Mpox) dahil nakukuha umano ito sa close at intimate na skin-to-skin contact.
“Sa airborne illness ‘yun (paggamit ng face mask) kagaya ng COVID, pero sa sakit na ito na skin-to-skin contact ang hawaan, ay mag-long sleeves ka at huwag dumikit sa mga taong may nakapantal,” saad ni DOH secretary Ted Herbosa tungkol sa face mask advisories.
Ito ay matapos kumalat ang mga balita online na magkakaroon ng mandatory wearing of face mask at lockdown sa bansa tulad noong COVID-19 pandemic.
Ayon sa kagawaran, ang pangunahing paraan ng pagkalat ng Mpox ay ang matagal na skin-to-skin contact gaya ng halikan, yakapan, at pakikipagtalik sa indibidwal na apektado ng virus; “respiratory droplets” mula sa may sakit; o paghawak sa mga Mpox-contaminated na gamit.
Hinikayat naman ng DOH ang mga taong may pantal na umiwas sa pagkakaroon ng malapitan o physical contact sa iba, balutin ang mga pantal ng malinis na gasa, at maglagi lamang sa bahay.
Ulat ni Bea Tanierla