Inihayag ni ACT Teachers Rep. France Castro ngayong Martes, Enero 28, na nakasaad sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) report kung paano lumala ang krisis sa edukasyon noong si Vice President Sara Duterte ang namumuno sa Department of Education (DepEd).
“Sa halip na tugunan ang mga pangunahing suliranin ng edukasyon, ginawa pa niyang personal na piggy bank ang confidential funds ng DepEd,” saad ni ACT Teachers Rep. France Castro.
Ipinakita umano ng EDCOM2 kung paano nahadlangan ng late textbook delivery at kakulangan sa training ng mga guro ang pagpapatupad ng MATATAG curriculum habang lumobo sa 165,000 ang backlog sa mga classroom sa pamumuno ni Duterte sa kagawaran.
Nasa 55 porsyento ng pampublikong paaralan ang pinagagamit sa mga estudyante bagamat walang itinalagang school principals habang ang “quantity, quality, and qualifications of school leaders are in a dismal state.”
Samantala, 45 porsyento lamang ng pampublikong paaralan ang may designated school principal, habang 12,057 na paaralan ang may incorrect na school head items, taliwas sa polisiya ng DepEd.
“Hinahamon natin si Sec Angara na huwag gayahin si VP Duterte, at kagyat na makinig sa mga guro at iba pang sektor sa edukasyon para masolusyunan ang krisis sa edukasyon,” saad ni Castro.
Ulat ni Ansherina Baes