Ang misis ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na ang actress-model na si Heart Evangelista ay awtomatikong mamumuno sa Senate Spouses Foundation, Inc. (SSFI), isang nonprofit organization na binubuo ng mga asawa ng mga aktibo at dating senador na nagsasagawa ng iba’t ibang charitable missions at humanitarian projects.

“Parang naiyak siya (Heart) nang konti, nag-panic kasi parang hindi daw niya kaya [pamunuan ang Senate Spouses Foundation, Inc.]… Sa ngayon, willing pa lang. Magiging ready pa lang. Willing pa lang,” kuwento ni Escudero.

Sa pagharap ni Senate President Chiz Escudero sa media ngayong Huwebes, Mayo 23, ikinuwento niyang nag-aalangan ang asawang actress-socialite na si Heart Evangelista kung makakaya nitong pamunuan ang SSFI.

“Kung ano lang ang kaya. Tapos nagtatanong siya, hindi daw niya alam, hindi daw niya kabisado. Sabi ko, ‘Ako rin naman, hindi ko alam, hindi ko kabisado.’ Sabi niya, ‘Eh ikaw ang tagal-tagal mo na d’yan, mundo mo ‘yan.’ Sabi ko, ‘Senador, oo, pero Senate President hindi, kaya panay ang pa-briefing ko,’” kuwento pa ni Escudero.