Isang walong buwang sanggol na lalaki ang ibinenta ng mismong mga magulang nito para may maipambili ng iPhone at makapag-shoot ng reels.

Sa isang ulat, sinabing nag-alala ang mga residente ng North 24 Parganas district sa West Bengal sa pagbabago ng kilos ng mag-asawa matapos na mawala ang kanilang anak.

Ayon pa sa ulat, hirap ang mag-asawa na matustusan ang pang-araw-araw nilang mga pangangailangan subalit biglang nagkaroon ang mga ito ng bagong smartphone na ginamit naman nila para makakuha ng video sa ilang bahagi ng West Bengal.

Inusisa naman ng mga kapitbahay ang mag-asawa at tinanong kung nasaan na ang kanilang anak. Dito na umamin ang mag-asawa na ibinenta nila ang sanggol.

Agad namang isinuplong sa pulisya ang mag-asawa subalit ang ina lamang ng bata, na nakilala lamang sa pangalang “Sathi,” ang nasakote ng pulisya makaraang makatakas naman ang asawa nitong si Jaydev.

Ayon naman sa lokal na opisyal na si Tarak Guha, binalak din pala ni Jaydev na ibenta ang isa pa nitong anak na babae, na pitong taong gulang.

Napag-alaman din na gumagamit umano ng ilegal na droga ang mag-asawa.

Nasakote rin naman si Jaydev bandang huli, habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para tingnan ang lahat ng anggulo ng kaso.