Hindi totoo ang mga alegasyon ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na “zero budget” o walang natanggap na budget ang lungsod mula sa administrasyong Marcos Jr. sa nakalipas na apat na taon, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro.
“Hindi po totoo na walang budget or zero budget ang Davao City. Ang Davao City po ang isa sa mga siyudad at isa sa mga area na talaga pong inaalagaan ng administrasyon ni Pres. Marcos Jr.,” saad ni Castro.
Sa isang press briefing ngayong Lunes, Mayo 25, sinabi ni Castro na base sa official records mula 2023 hanggang 2026, umabot sa tinatayang ₱7.856 bilyon ang pondong natanggap ng lungsod mula sa national government.
Ayon pa kay Castro, isa ang Davao City sa mga lugar na patuloy na binibigyan ng suporta at atensyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
