“Today, April 27, 2026, the Sixth Division of the Sandiganbayan issued a precautionary hold departure order against Senator Francis Joseph ‘Chiz’ Escudero and Maynard Siy Ngu,” saad sa kautusan ng Sixth Division ng Sandiganbayan.

Naglabas ang Sandiganbayan Sixth Division ng isang precautionary hold departure order (PHDO) laban kina Sen. Francis “Chiz” Escudero at negosyanteng si Maynard Ngu para pigilan ang kanilang pag-alis sa bansa.

Nangangahulugan ito na pinagbigyan ng anti-graft court ang hiling ng Office of the Ombudsman base sa mga reklamong plunder, graft, at indirect bribery na isinampa laban sa kanila.

Ang PHDO ay isang court order na nagtatakda sa Bureau of Immigration (BI) para harangin ang sinumang pinaghihinalaan sa isang krimeng may parusang hindi bababa sa anim na taon at isang araw mula sa paglabas ng Pilipinas.

Matatandaang kabilang si Escudero sa mga idinawit ng state witness at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa mga anomalya sa flood control, bagamat mariing itinanggi ng senador ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome