Wala umanong personal na kaalaman si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sinasabing “term-sharing agreement” sa pagitan niya at ng kaniyang running mate na si Vice President Sara Duterte, ayon sa Malacañang.

“Ang pinag-usapan ni Mr. Ramil Madriaga at ng dating pangulong Rodrigo Duterte, ay wala po tayong personal na kaalaman. Kahit ang pangulo ay walang personal na kaalaman tungkol dito,” ani PCO Undersecretary Claire Castro.

Kasunod ito sa ibinahaging impormasyon ng self-confessed “bagman” na si Ramil Madriaga sa kanyang tatlong pahinang handwritten letter na may petsang April 11, 2026, kung san diumano’y ang pagpayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021 na maging mag-running mate ang kanyang anak na si VP Sara at Marcos Jr. “for a plan of retaking the presidency from BBM by year 2025.”

“In the event that BBM refused to honor the agreement and opted not to relinquish his post as president, extraordinary measures of overthrowing BBM should be considered like impeachment, assassin@tion by pois0ning or any other means and by the use of People Power that will be triggered by FPRRD with participation of active and retired AFP and PNP officers,” mababasa pa sa sulat ni Madriaga.

Samantala, iginiit naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na: “Ang pangulo po ay nangampanya sa taumbayan, nangako na maglilingkod sa taumbayan, at nangakong tatapusin ang kanyang termino para sa bayan.”

Ulat ni Bea Tanierla