Nanawagan ng pagkakaisa si Sen. Bam Aquino mula sa kanyang mga kapwa opisyal ng gobyerno para bumuo ng epektibong tugon sa kinahaharap na krisis sa presyo at suplay ng langis sa bansa.
“Kailangan nating kumilos para sa ating mga magsasaka, mangingisda at maliliit na manininda. Sila po ang dahilan at pinagmumulan ng pagkaing ating iniuuwi sa ating pamilya,” saad ni Aquino.
Sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform ngayong Miyerkules, Abril 8, binigyang-diin ni Sen. Aquino na ang patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo ay lubhang nagpapahirap sa sektor ng agrikultura, partikular na sa mga magsasaka at mangingisda.
“Ang bawat pisong pambayad sa mahal na langis ay direktang bawas sa kakarampot na kita nila na pambili ng pagkain ng kanilang pamilya… Mga kasama, ipakita po natin na kaya natin magkaisa para sa taumbayan,” saad ng senador.
“Magtrabaho po tayo para siguraduhing sa gitna ng krisis ay may maihahaing pagkain ang bawat magulang,” dagdag pa niya.
Ulat ni Bea Tanierla
