Dalawang abogado ang nakatakdang maghain ng impeachment complaint laban kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia at anim na commissioners kaugnay ng umano’y institutional misconduct sa May 2022 at 2025 elections.

Minamata nina Eldrige Marvin Aceron at Sikini Labastilla ang impeachment laban kina Garcia at anim na commissioners ng ahensiya sa Kamara de Representantes.

Si Aceron ay founding partner ng Aceron & Attorneys, pati Aceron Public Interest and Legal Association (APILA), habang si Labastilla ay isa sa co-founders ng Project Damaskus Lawyers.

Nakatakda silang pormal na maghain ng impeachment complaint sa Kamara kapag nakakuha sila ng isang kongresista na mag-eendorso sa reklamo.

Binanggit ng dalawang abogado ang paglabag sa Republic Act No. 8436, o Automated Election System Law, betrayal of public trust, at iba pang high crimes na nag-uugat mula sa umano’y institutional misconduct sa nagdaang dalawang eleksyon bilang impeachment grounds.

Ulat ni Jilliane Libunao