Iminungkahi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na tapyasan ang mahigit ₱22 bilyong budget para sa ASEAN Summit 2026 at gawing ₱10 bilyon ang kabuuang gastusin para magamit ang ibang pondo sa social aid at iba pang relief measures kontra oil price hike.

Iginiit niya na noong ASEAN 2017, kung saan host country din ang Pilipinas, mula sa ₱16.747 bilyong nakalaang budget, ₱8.572 bilyon lamang o 51 porsyento ang nagamit.

Inihain ni Leviste ang House Resolution No. 911 kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng state of national energy emergency nitong Martes, Marso 24, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng lumalalang krisis sa Gitnang Silangan.

Nilinaw naman ng kongresista na kinikilala niya ang kahalagahan ng pagho-host ng ASEAN para sa diplomasya, turismo at kalakalan ng bansa sa rehiyon, kaya’t hindi ito panawagan para sa pagkansela ng event, kundi para gawin itong mas cost-efficient.

Ulat ni Bea Tanierla